Nanindigan si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista na sa katapusan pa ng Disyembre epektibo ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.
Ayon kay Bautista, naisumite na niya ang kanyang resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte at nakakahiya aniya kung babawiin niya ito upang baguhin dahil lamang sa impeachment trial laban sa kanya.
Muli ding ipinaliwanag ni Bautista na nais niyang magkaroon ng maayos na paglilipat ng tungkulin at pagpapatuloy ng mga maiiwang trabaho sa komisyon kaya niya ideklara ang effectivity ng kanyang pagbibitiw.
Magugunitang, nakatanggap ng mga batikos si Bautista mula sa ilang mga mambabatas dahil sa hindi immediate at irrevocable ang resignation ng poll chief.
Pagtalakay ng impeachment vs COMELEC Chief posibleng maka-apekto sa trabaho ng senado
Posibleng seryosong maapektuhan ang legislative work ng senado sa nakatakdang pag-convene nito bilang impeachment court para sa paglilitis kay Commission on Elections o COMELEC Chairman Andy Bautista.
Ito ang ibinabala ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon kasunod ng pagkaka-impeach ni Bautista sa Kamara de Representantes.
Giit ni Drilon, maaaring maantala ang kanilang pagpapasa sa 2018 national budget at tax reform biill.
Ayon pa kay Drilon, ang pagsasagawa ng impeachment trial ay constitutional duty ng senado kung saan kailangan nila itong bigyang prayoridad oras na matanggap na nila ang articles of impeachment.
Samantala, itinanggi naman ni Senate President Koko Pimentel na maaantala ang mga trabaho ng senado dahil isasagawa aniya ang impeachment trial sa mga araw na wala silang legislative work.