Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang akusasyon ng asawa ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na mayroon umano itong halos P1-B halaga ng tagong yaman.
Batay sa ipinalabas na Department Order ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ipinag-utos nito ang posibleng pagbuo ng case build-up sa inihaing affidavit ng asawa ni Bautista na si Patricia hinggil sa mga umano’y nabigong maideklara ng COMELEC Chairman sa kanyang Statement of Assets and Liabilities o SAL-N.
Maliban dito, aalamin din ng NBI kung mayroong naging paglabag si Bautista sa Anti-Money Laundering Act at mga kaugnay na batas.
Kasabay nito, sinabi ni Bautista na handa niyang harapin ang anumang kasong posibleng isampa laban sa kanya.
Itong nangyari ngayon, kailangan ko din ngayon ipaglaban ang karangalan ng aming pamilya kung kaya’t kakausapin ko ang aking mga abogado at titingnan kung ano ang aming susunod na hakbang.
We are ready to face everything.
Inihayag din ni Bautista na handa rin itong sumalang sa anumang impeachment trial.
Kahit na anumang posisyon na aking pinupuntahan or appoint, hindi po tayo ‘kapit tuko’.
Kung sakali man sa aking palagay ay hindi na ako magiging epektibo sa aking katungkulan eh wala naman po tayong problemang magbitiw kaya lang dito po, sabi ko nga wala akong kasalanan, wala po akong ginawang masama.
Pangulong Duterte kay Bautista: ‘I am not asking you to resign’
Inamin naman ni COMELEC Chairman Andy Bautista na sinubukan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan at pag-ayusin sila ng kanyang asawa na si Patricia Bautista.
Ayon kay Bautista, Agosto 1 nang ipatawag siya ng Pangulo sa Malakanyang at matapos na magkahiwalay na kausapin ay pinagharap silang mag-asawa.
Ani Bautista, nagbigay ng magagandang payo si Pangulong Duterte na ibinatay din nito sa kanyang sariling karanasan sa kanyang pamilya.
The President [Duterte] was very kind, not only mediator but a marriage councillor. He recounted his own experience to his family, and with that, he was providing us a good advice.
Meron siyang specific recommendations si Pangulo, kung sana matapos na ito, kawawa ‘yung mga bata.
Dagdag ni Bautista hindi rin aniya siya pinagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Duterte sa kabila ng kinahaharap na kontrobersiya.
Nagbigay po siya sa amin ng advice. Ako naman sabi ko sakanya, hindi po ako ‘kapit-tuko’ sa kahit anong posisyon eh, or panunungkulan.
Kung ako ay nagiging pabigat na sa isang institusyon, wala naman problema sa akin na magbitiw.
Pero sabi niya [Pangulong Duterte] sa akin, ‘I am not asking you to resign’
By Ralph Obina / Krista De Dios