Pinag-aaralan na ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista ang pagbibitiw sa pwesto o paghahain ng leave of absence sa gitna ng kontrobersiyang kanyang kinakaharap.
Inihayag ito ni Bautista sa kanyang pagharap sa COMELEC employees sa Region 3.
Ayon kay Bautista, ipinagdarasal niya nang husto ang kanyang susunod na gagawin kasunod ng paratang ng kanyang asawa na siya umano ay may tagong yaman.
Kaugnay naman sa mga nagbabalak na maghain ng impeachment complaint laban sa kanya, sinabi ng COMELEC official na nauunawaan niya na ito ay bahagi ng proseso.
NAMFREL suportado ang panawagang mag-leave of absence si COMELEC Chair Bautista
Suportado ng NAMFREL o National Citizens’ Movement for Free Elections ang panawagang mag-leave of absence si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista na nahaharap sa alegasyon ng umano’y ill-gotten wealth.
Ayon kay NAMFREL Secretary General Eric Alvia, dapat mag-leave si Bautista habang iniimbestigahan ang lahat ng akusasyon laban dito.
Una nang umapela ang grupong Kontra Daya kay Bautista na pansamantalang lumiban sa trabaho upang matiyak ang kredibilidad ng imbestigasyong kinakaharap ng opisyal.