Bahala na ang Kamara sa pagtukoy kung pasok ba sa pagiging impeachable offense ang alegasyon ni Ginang Patricia Paz Bautista laban sa kaniyang mister na si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista.
Ito’y ayon kay Senador Francis Escudero, kasunod ng pagbubunyag ni Ginang Bautista na nagkamal umano ng milyun-milyong piso ang kaniyang mister na nakapaloob umano sa samu’t saring bank accounts nito.
Kung totoo man ayon kay Escudero ang alegasyon ni Ginang Bautista sa kaniyang asawa, malinaw na isa itong seryosong paglabag sa saligang batas bilang bahagi si Bautista ng constitutional body.
Gayunman, binigyang diin ni Escudero na mahirap magbigay ng komento sa kasalukuyan dahil tiyak aniyang daraan sa Senado ang reklamo sakaling aprubahan sa Kamara at tatayo sila bilang hukom sa impeachment court.
Samantala, pinayuhan ni Senate President Koko Pimentel ang lahat na maging maingat sa pagkokomento gayundin sa pagpili ng papanigan.
Ito’y makaraang ibunyag ni Ginang Patricial Paz Bautista ang pagkakamal umano ng nakaw na yaman ng kaniyang mister na si COMELEC Chairman Andres Bautista.
Nais naman paimbestigahan ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto sa Blue Ribbon Committee ang alegasyon ng asawa ni COMELEC Chairman Andy Bautista.
Ayon kay Sotto, sakaling totoo ang alegasyon, isa aniya itong malinaw na pagsuway ni Bautista sa Republic Act 6713 o ang tamang pagsusumite ng SAL-N o State of Assets, Liabilities and Networth.
Giit ni Sotto, hindi dapat maging kaduda-duda sa iregularidad ang COMELEC bilang isang constitutional body na tagapagbantay ng electoral system.
Aniya, kailangang madetermina kung ang kasulukuyang batas ay sapat para matiyak na tama ang idenideklara ng lahat ng public officials sa kanilang SAL-N.