Nanindigan si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na wala siyang naging pagkukulang sa kanyang pamumuno sa COMELEC.
Sinabi ni Bautista na nagtrabaho siya nang ayon sa kanyang layunin na mapabuti ang sistema ng eleksyon ng Pilipinas.
Sa kabila nito, sinabi ni Bautista na handa din siyang magbitiw sa puwesto sakaling maramdaman niyang hindi na siya nagiging epektibo sa paggampan sa kanyang tungkulin.
“Hindi po puwedeng balat sibuyas, kasama po yun sa trabaho ang mga batikos at di pagkakaunawaan, kasama po yan, on the other hand ako po ay hindi kapit tuko sa anumang posisyon, kung sa aking palagay hindi na ako epektibo hindi po sa akin problema na magbitiw, kaya lang dito po wala po akong ginawang mali.” Ani Bautista.
Honorarium for BEIs
Nabayaran na ang honoraryo ng halos lahat ng mga guro na nagsilbi nitong nakaraang eleksyon.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista, natagalan lamang ang pagbabayad dahil nagkaroon ng problema ang debit card ng Land Bank.
Kaugnay nito, sinabi ni Bautista na pinag-aaralan din nila ang pagsasampa ng kaso laban sa Land Bank, dahil sa pagpalya ng marami sa debit cards nito.
“Napagkasunduan po namin ang paggawa ng debit card at nangyari lang po ay ilang debit card ang pumalpak kaya dapat palitan pero as of yesterday po 99.75 percent na po ang nabayaran.” Dagdag ni Bautista.
Japan trip
Binigyang diin ni COMELEC Chairman Andres Bautista na personal na lakad ang kanyang pagpunta sa Japan, nitong weekend.
Sinabi ni Bautista na maliban sa nagpaalam siya sa kanyang mga kasamahan para sa isang araw na pag-absent ay nag-iwan din siya ng mga contact numbers sakaling magkaroon ng emergency.
Pinuna din ni Bautista ang mga isyu na ibinabato sa kanya ng isang commissioner at sinabing ang mga ito naman ay naresolba na ng COMELEC, katulad ng sa pagbabayad sa mga guro.
“Personal trip ko po ito, wala po itong gastos sa gobyerno at sa COMELEC, parati lang silang bumubusisi, ginagawa ko lang po ang aking trabaho, ito pong sulat sa akin sasagutin ko po yan, point by point.” Pahayag ni Bautista.
By Katrina Valle | Ratsada Balita