Hindi umano makikialam si COMELEC Chairman Sheriff Abas sa tinatawag ng poll body na “division problem” sa pagitan nina Commissioners Rowena Guanzon at Aimee Ferolino sa Disqualification (DQ) Cases laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ito’y makaraang sabihin ni Guanzon na magsasalita si Abas kasunod ng pagkaantala ng paglabas ng desisyon sa COMELEC First Division hinggil sa consolidated petition ng DQ cases laban sa presidential aspirant.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, naka-sentro ang issue sa dibisyon na bumabalot sa dalawang matapang at matatag na babae mula sa magka-ibang anggulo.
Inihayag naman anya ni Abas na bagaman “hindi nararapat” na magkomento sa lamat sa pagitan ng dalawa, handa naman nitong sagutin ang issue sa ibang forum.
Una nang naglabas si Guanzon ng sariling opinyon pabor sa mga petitioner na humihiling na idiskwalipika ang dating senador sa 2022 Presidential Election kaugnay sa kanyang Tax Conviction.
Gayunman, mawawalan ng bigat ang opinyon ni Guanzon sa oras na mabigo ang 1st division ng COMELEC na ilabas ang ruling ngayong araw, kasabay ng kanyang pagreretiro.