Isiniwalat ni dating National Youth Commission o NYC head Ronald Cardema ang umano’y ginawang pangingikil ng P2M ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon kapalit ng pag-apruba sa accreditation ng Duterte Youth Partylist Group.
Pahayag ni Cardema, may ipinadala umanong emisaryo si Guanzon para humingi ng pera at ilang pabor sa kanyang grupo bago ang eleksyon noong buwan ng Mayo.
Pagbubunyag ni Cardema, isang babaeng kongresista ang emisaryo ni Guanzon kung saan nakausap umano nila ito sa tulong ng Viber.
Isa aniya sa pabor na hinihingi ng mambabatas ay ang maitalaga ang isang abogado para maging hukom ng Regional Trial Court sa Iloilo.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Guanzon ang mga akusasyong ipinupukol sa kanya ni Cardema.