Maaari umanong ma-impeach si COMELEC Commissioner Christian Robert Lim dahil sa pag-aakusa na may banta ang China na isabotahe ang national elections sa 2016.
Sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Elections, sinabi ni Marikor Mendoza ng Automated Election System Watch o AES Watch na careless ang pahayag ni Lim at maaari itong mapanagot.
Ayon kay Mendoza, inilagay ni lim sa alanganin ang diplomatic relations ng Pilipinas at China.
Matapos ang pagdinig, sinabi ni Commissioner Lim na malaya ang may gustong magpa-impeach sa kanya.
Pinanindigan ni Lim na nakuha niya na sa militar ang classified information, bagaman itinatanggi ng Sandatahang Lakas.
Utos aniya ng COMELEC En Banc sa kanya na sabihan ang Smartmatic na ilipat sa ibang lugar ang pabrika ng PCOS machines para hindi manganib.
Binigyang-diin ni Lim na ayaw nilang makompromiso ang mga makinang gagamitin sa eleksyon lalo na’t inaasahang mananalo ang Pilipinas sa arbitration proceedings ukol sa West Philippine Sea na inaagaw at pilit inaangkin ng China.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)