Nagkaroon ng aberya ang isinagawang demonstration ng Commission on Elections (COMELEC) at Smartmatic sa paglalabas ng resibo sa mga makinang gagamitin sa elesyon.
Nabatid na madalas ang pagkakaroon ng paper jam o pagka-ipit ng thermal paper habang nag-iimprenta ng resibo.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, hindi aniya maiiwasan ang mga ganitong pangyayari lalo’t kung hindi magkakaroon ng sapat na panahon para paghandaan ito.
Kinailangan din umano ng mga board of election inspectors o BEI’s na magsanay para i-operate ang nasabing feature sa mga makina dahil hindi ito kasama sa una nilang pagsasanay.
Oral Arguments
Samantala, nabuhayan ng loob si Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista makaraang magtakda ng oral arguments ang Korte Suprema.
May kaugnayan ito sa naging desisyon ng SC na nag-aatas sa COMELEC na magpalabas ng resibo ng mga balota sa darating na eleksyon.
Ani Bautista, natutuwa sila’t mapakikinggan na ng mga mahistrado ng High Tribunal ang kanilang paliwanag kung bakit sila tutol sa paglalabas ng resibo.
Magugunitang hindi na binigyang palugit pa ng Supreme Court ang COMELEC nang mabigo itong makapagsumite ng kanilang sagot sa mga inihaing petisyon.
By Jaymark Dagala