Tuluyan ng idiniskwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) sa 2016 presidential polls si Senadora Grace Poe.
Ito ang inanunsyo ni COMELEC Chairman Andres Bautista sa isang press conference kanina makaraang ibasura ng En Banc ang dalawang apela ng kampo ni Poe sa magkahiwalay na ruling ng 1st at 2nd divisions na nag-kakansela sa kanyang certificate of candidacy (COC).
Personal na tinanggap ni Attorney George Garcia, abogado ng senador ang kopya ng En Banc resolutions sa Office of the Clerk ng COMELEC sa Intramuros, Maynila.
Sa botong 5-2, pinagtibay ng En Banc ang desisyon ng 1st Division na idiskwalipika si Poe sa 2016 presidential elections dahil sa petisyon ng mga petitioner na sina dating Senador Kit Tatad, dating U.E. College of Law Dean Amado Valdez at Atty. Antonio Contreras na kumukwestyon sa kanyang citizenship at residency.
Pinagtibay din ng En Banc sa botong 5-1-1 ang desisyon ng 2nd Division kaugnay sa petisyon ni Attorney Estrella Elamparo na humihiling na kanselahin ang certificate of candidacy ni Poe dahil sa kakulangan ng 10-year residency.
Samantala, inihayag ni Garcia na tanggap na nila ang pinal na desisyon ng poll body subalit ikinalulungkot nila ang “timing” nito lalo’t magpa-Pasko.
Tangi anya nilang malalapitan ay ang Korte Suprema at umaasa na kakatigan sila nito.
By Drew Nacino