Ibinasura ng Commission on Elections o Comelec en banc ang petisyong nagdedeklarang nuisance candidate si presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa resolusyong na-promulgate ng Comelec en banc, ibinasura ang petisyong inihain ni Danilo Lihaylihay batay narin sa naging desisyon at pinirmahan nina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay at Aimee Torrefranca-Neri.
Ayon sa Comelec, walang bagong argumentong iprinisinta ang petisyoner upang mabago ang naunang desisyon ng poll body matapos hindi mapatunayan ang alegasyon nito na nais lamang ni Marcos na gawing katatawanan ang halalan.
Nilinaw naman ng komisyon na maaari pang iakyat ni Lihaylihay ang kaso sa Korte Suprema upang doon dinggin at magbaba ng pinal na desisyon ukol sa naturang usapin.