Ibinasura ng Comelec o Commission on Elections ang hirit ng mga kandidato ng oposisyon na mag-organisa ang ahensiya ng debate.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, tatlong dahilan ang inilahad ng en banc sa kanilang naging pasiya.
Una aniya rito ay ang maliwanag na pagpabor o special treatment sa isang grupo o partido ng mga kandidato oras na pumayag sila sa debate.
Binigyang diin ni Jimenez, sa animnaput dalawang (62) mga kandidato sa pagka-senador, mahihirapan na aniya ang Comelec na maiwasan ang posibleng alegasyong may kinakatigan sila.
Dagdag ni Jimenez, hindi na rin praktikal ang magsagawa pa ng debate lalu’t dalawang buwan na lamang aniya ang nalalabi para sa Comelec na paghandaan ang May 13 midterm elections.
Magugunitang, pormal na hiniling ng opposition coalition party na Otso Diretso sa Comelec ang pagsasagawa ng isang debate sa pagitan ng mga kandidato sa pagka-senador lalo na mula sa partidong Hugpong ng Pagbabago.