Binali mismo ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang patakaran hinggil sa dami ng maaaring isama ng isang kandidato sa paghahain nito ng certificate of candidacy (COC).
Ito ay matapos na sobra sa pinapayagang apat na kasama ang nakapasok sa tanggapan ng comelec kasabay ng paghahain ng kandidatura ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa pagka senador sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nagpatupad sila ng adjustment para na rin sa seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama ni go nang maghain ito ng kandidatura.
Gayunman, sinabi ni Jimenez na kanila pa ring iimbestigahan kung paanong nakapasok ng mahigit sa 20 taga suporta ni Go sa loob ng tanggapan maliban sa entourage nito.
Alas kuwatro ng hapon kahapon, pormal nang naghain ng COC si Go na personal pang sinamahan ng pangulo at ilang miyembro ng gabinete tulad nina Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, outgoing Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano at maging ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre.
“We will be looking into how other personalities were able to join the entourage essentially of candidate Go. The president was here and yes the president will require certain allowances being made in order to make sure that his security are available and have easy access at him at all times.” Pahayag ni Jimenez.