Sa gitna nang nalalapit na Halalan 2022, ikinabahala ng Commission of Elections ang posibleng pagkakasama ng ilang pumanaw na indibidwal sa voters’ list.
Aminado si Comelec spokesman, director James Jimenez na inaasahan niyang pagdating ng araw ng halalan ay makikita pa rin ng maraming botante ang pangalan ng mga kamag-anak nila sa listahan.
Ibinabala ng Comelec na ang mga botanteng pumanaw na dahil sa COVID-19 pandemic na nasa listahan pa rin ay maaaring magamit upang kuwestyunin ang kredibilidad ng eleksyon.
Ito, ayon kay Jimenez, ay dahil sa mabagal na delisting process kung saan inaalis ang mga pangalan batay sa mga record na isinusumite ng local civil registrar.
Samantala, hinimok naman ng election watchdog na Legal Network for Truthful Elections o LENTE ang election board members at publiko na maging mapagmatyag sa May 9 o araw ng eleksyon.
Umaasa si LENTE Exec. Dir., Atty. Rona Ann Caritos na magiging mahigpit ang mga poll worker upang maiwasan ang mga posibilidad na bumoto ang ilang tao gamit ang pangalan ng ibang botante.