Binawasan ng dalawang oras ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpaparehistro ng mga botante simula bukas, araw ng Lunes, Marso 22 at magtatagal hanggang sa Linggo, Abril 4.
Ayon sa Comelec, kanila itong ipinatupad kasunod ng tumataas na COVID-19 cases sa bansa.
Pahayag ng komisyon, magsisimula ang voter registration hours sa Lunes hanggang Huwebes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon habang magtatagal naman ng hanggang ala singko ng hapon ang pag-iisyu ng voter certification.
Sinabi ng comelec, na pagsapit ng Biyernes, magkakaroon sila ng disinfection operations sa kanilang mga tanggapan.
Sakali naman umanong mag-iskedyul ng disinfection day sa ibang araw ang mga lokal na pamahalaan, mananatili umanong sarado ang opisina ng election officer sa araw ng Biyernes.
Samantala, suspended rin umano ang mga satellite registration ng comelec sa mga barangay halls, daycare centers, covered courts, at iba pang satellite offices nito sa buong bansa, hanggang sa susunod na abiso.
Muli namang binigyang-diin ng Comelec na mahigpit nilang ipinatutupad ang mga health and safety protocols sa mga voter registration areas.