Ipinauubaya na ng Commission on Elections (COMELEC) sa Kongreso ang pagbabago sa sistema ng automated elections.
Ito’y kasunod ng bagong kontrobersiyang kinakaharap ng kagawaran kaugnay sa naganap na dayaan umano noong 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon maaaring isulong ang manu-manong pagboto ngunit electronic ang transmission ng resulta.
Nilinaw din ni Guanzon na hindi minadali ang desisyon sa pagbili ng mga vote counting machine na ginamit noong huling halalan.
Sinabi pa ni Guanzon na nakahanda ang COMELEC sa anumang imbestigasyon na isasagawa maging ito pa ay kaugnay sa paratang na iregularidad ni Senador Tito Sotto noong 2016 elections.
Magugunitang isiniwalat ni Sotto na base sa kaniyang mapagkakatiwalaang impormante ay may nangyari nang transmission of votes isang araw bago ang mismong halalan.
—-