Isinantabi muna ng Commission on Elections ang apela ng kampo ni vice presidential candidate at senador Bongbong Marcos na magkaroon ng systems audit.
Ito ay kaugnay pa rin sa pagdududa ng kampo ni Marcos dulot ng ginawang pagbabago ng script o hashcode ng Smartmatic noong gabi ng Mayo 9.
Sa panayam ng DWIZ, ipinaliwanag ni COMELEC chairman Andres Bautista na bago ang eleksyon ay sumailalim naman aniya sa malawakang audit ang sistemang ginamit sa eleksyon sa harap ng iba’t ibang partido, kandidato at maging ng civil society organizations.
Binigyang diin din ni Bautista na magsisimula pa lamang ngayong hapon ang canvassing ng mga boto para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo kung saan ay ang kongreso aniya ang magpo-proklama ng mga mananalo sa dalawang mataas na posisyon sa gobyerno at hindi ang COMELEC. Iginiit din ni Bautista na nais nilang third party gaya ng DOST ang magsagawa ng systems audit at hindi ang kampo ni Marcos.
By: Ralph Obina