Nilinaw ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista na wala silang natatanggap na pressure mula sa Malacañang para madaliin ang pagdiskwalipika kay presidential aspirant at Senadora Grace Poe.
Ito ay sa harap ng akusasyon ng kampo ni Poe na Liberal Party (LP) ang nasa likod ng mga kinakaharap nitong disqualification case.
Bilang pinuno ng COMELEC , binigyang diin ni Bautista na walang katotohanan ang naturang paratang ng kampo ng senadora.
“Ako wala po akong alam at kung siguro nga po kung may ganyan ay siguro sa akin idederekta yan, pero wala naman po.” Ani Bautista.
Pinayuhan ni Bautista ang kampo ni Poe na basahin muli ang desisyon dahil batay naman aniya ang mga ito sa ebidensya.
Matatandaang iniuugnay din ang ilang COMELEC Commissioner na malapit umano sa mga opisyal ng Liberal Party.
“Well hindi naman natin maitatago na kaming lahat ay kumbaga na-appoint ng ating Pangulo na I think siya ang Pangulo at Chairman ng Liberal Party, pero ako mismo, personally kasi ang feeling ko pagka isang constitutional office, pagkatapos ng pag-appoint ng Pangulo sa amin, ang aming utang na loob ay hindi na sa kanya kung hindi sa ating taong bayan, lahat naman tayo ay kumbaga merong inclinations, meron din tayong mga biases, pero sa puno’t dulo ang pinakamaganda talaga ay basahin yung desisyon.” Pahayag ni Bautista.
By Ralph Obina | Ratsada Balita