Nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na walang conflict of interest sa kontrata na kanilang pinasok sa F2 Logistics, na pag-aari ng pangunahing campaign donor ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni COMELEC Spokeman James Jimenez na ang F2 Logistics ang lowest bidder sa 536 milyon peso contract para sa delivery ng mga election paraphernalia na gagamitin sa May 9, 2022 polls.
Ang nabanggit na kumpanya, na subsidiary ng Udenna Corporation ng Davao-based businessman na si Dennis Uy ay nilagdaan noong Oktubre 29 nina COMELEC Chairman Sheriff Abas at F2 Logistics President Efren Uy.
Tiningnan at inalam naman anya ng bids and awards committee ng poll body ang lahat ng issue at nakita nilang wala naman talagang “grounds” para sabihin na mayrooong conflict of interest.
Inihayag din ni Jimenez na pagtapos naman ng botohan ay magpri-print out ang vote counting machine ng election return hard copy na sesertipikahan ng electoral board at watchers kaya’t imposible ang ispekulasyon na magkakaroon ng conflict of interest. —sa panulat ni Drew Nacino