Mismong ang Commission on Elections na ang nagsabi na hirap na silang ipatupad ang pag-iisyu ng resibo sa mga balota sa May 9 elections.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista sa panayam ng DWIZ, na kulang na sa panahon upang i-apply ang sistema lalo’t 57 araw na lamang bago ang halalan.
Bukod pa ito sa aniya’y mga panganib na haharapin ng COMELEC upang matiyak ang maayos at kapani-paniwalang resulta ng botohan.
“Sinasabi naming hirap na at sinasabi rin namin na may options, isa na dyan baka humingi kami ng pagpaliban sa ating halalan. Ang pangunahing mandato ng COMELEC ay hindi lang magpatakbo ng halalan, ang aming pangunahing mandato ay magpatakbo ng isang maayos at credible na eleksyon. Ang sinasabi namin, ngayon, maraming panganib,” paliwanag ni Bautista.
Una nang sinabi ng COMELEC na ang pag-iimprenta ng resibo ay posibleng magresulta sa vote buying.
By: Allan Francisco