Tatalima ang Commission on Elections (COMELEC) sa kautusan ng Korte Suprema na mag-issue ng voters receipt sa May 9 polls.
Ito ang inihayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista matapos ibasura ng Supreme Court ang kanilang motion for reconsideration.
Nagpapasalamat si Bautista sa mabilis na desisyon ng SC dahil maaari na anyang umusad ang poll body at tumutok sa preparasyon sa halalan.
Gayunman, nilinaw ng poll body chief na mga simpleng resibo na lamang na walang identifiable marks gaya ng hashcodes at precinct names ang ilalabas ng mga vote counting machine (VCM).
Samantala, tiniyak naman ni Bautista na sa Mayo 9 isasagawa ang halalan taliwas sa kanilang naunang pahayag na posibleng ipagpaliban ang botohan.
Preparation
Aminado ang COMELEC na nagkukumahog na sila sa paghahanda para sa gagawing eleksyon sa Mayo 9.
Ito ang reaksyon ni COMELEC Chairman Andres Bautista makaraang ibasura ng Korte Suprema ang kanilang apela hinggil sa pagpapalabas ng voters reciept sa mga makinang gagamitin sa halalan.
Magugunitang inungkat ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa COMELEC kung anu-ano pang mga paghahanda ang kanilang kailangan sa isinagawang oral arguments kahapon.
Sagot ni Bautista, wala silang sinasayang na panahon upang pagsabayin ang paghahanda sa halalan at ang bidding sa mga thermal papers na magsisilbing resibo gayundin ang pagtuturo sa mga guro na magsisilbing board of election inspectors o BEI’s.
Kasunod nito, umapela si Bautista sa media na paigtingin pa ang voters education dahil tiyak aniyang hahaba ng hanggang 20 oras ang halalan dahil sa naging kautusan ng High Tribunal.
By Drew Nacino