Maghahain ng manifesto ang Commission on Elections o COMELEC sa Commission on Appointments (CA) at tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kumpirmasyon ni dating Commissioner Sheriff Abbas bilang bagong chairman ng ahensya.
Ayon kay COMELEC Regional Director Atty. Reynato Magbutay, mahalagang magkaroon na sila agad ng permanenteng pinuno dahil nalalapit na ang eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa susunod na taon.
Nauna dito, umani ng suporta sa mga empleyado ng COMELEC ang pagkakatalaga kay Abbas ni Pangulong Duterte na naging pinakabatang chairman sa edad na 38 anyos bilang kapalit ni resigned Chairman Andres Bautista.
Huling araw ng pagpapa–rehistro para sa Barangay at SK Elections
Muling ipinaalala ng COMELEC na hanggang sa Huwebes na lamang, Nobyembre 30, ang pagpapa – rehistro para sa Barangay at SK Elections.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, mayroon na lamang natitirang apat na araw ang publiko kaya mainam na gamitin na ang pagkakataong ito para makapagpa – rehistro.
Apela pa ni Jimenez, iwasang magpa – rehistro sa mismong huling araw para maiwasan ang paghahabol sa deadline at ang pagkakaroon ng mahabang pila.
Bukas naman ang mga lokal na tanggapan ng COMELEC simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.