Magigipit na sa panahon ang Commission on Elections (COMELEC) sakaling maisabatas na ang BBL o Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer, kinakailangang isabay ng COMELEC sa 2016 Presidential elections ang plebisito para sa BBL.
Sinabi ni Macalintal na sa plebisito pa lamang ay apat na buwan na ang kailangang paghahanda ng COMELEC.
Maliban dito, hanggang ngayon aniya ay hindi pa na aayos kung anong makina ang gagamitin sa halalan.
“Kung sakali man na hindi mag-manual, eh mababalam, hindi naman magkakaroon ng no election kundi postponement of election ang mangyayari diyan, yung scheduled na May 2016, maaaring not after 2016 kundi some other date close to May 2016 dahil sa napakaraming ginagawa ng COMELEC.” Ani Macalintal.
Dahil dito, hinikayat ni Macalintal ang kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng kapangyarihan sa COMELEC na magsagawa ng manual elections sakaling hindi na makahabol ang paghahanda para sa automated elections.
“Ang tanong lagi diyan, tayo ba ay manual o tayo ay automated? Kinakailangan na ang kongreso ay gumawa ng batas ngayon na parang call back position natin para magkaroon ng authority ang COMELEC to conduct a manual election in the most remote possibility na hindi nila magampanan ang isang automated election.” Paliwanag ni Macalintal.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit