Handang-handa na ang mga opisina ng Comission on Elections sa buong bansa para sa pagsisimula ngayong araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2019 midterm elections.
Ito ang ipinabatid ni Director James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections sa panayam ng DWIZ.
Paalala ni Jimenez magpapatupad sila ng mahigpit na limitasyon partikular sa kanilang opisina sa Intramuros kung saan naghahain ng COC ang mga senatorial candidate at party-list.
“Para sa senador, ‘yung candidate plus four supporters na kasama, ‘yung sa party-list sampu ang maximum bawat party-list organization. May ibinigay din tayong malaking lugar para sa media dahil mahalagang ma-cover ito.”
Wala ring extension na ibibigay ang Comelec sa mga magfa-file, ani Jimenez mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 lang ng hapon sila tatanggap ng aplikasyon na tatagal mula ngayong araw, Oktubre 11 hanggang Oktubre 17.
“Kino-kontrol natin ang proseso para maging maayos, orderly ika nga.”
Sa usapin naman ng substitution, sinabi ni Jimenez na merong pagkakataon ang mga kandidato na mag-file hanggang Nobyembre 29.
“Ang puwede lang magpa-substitute ay ang may partido, pagkatapos ng November 29 puwede pa rin naman magpa-substitute pero may limitasyon na, una kailangan ‘yung pag-withdraw ng original candidate ay dahil lamang sa dalawang bagay either namatay o na-disqualify, hindi na puwede ang kusang pagwi-withdraw, pangalawa kailangan ang papalit ay kailangan ka-apelyido niya ang papalitan niya.”
Samantala, magsisimula naman ang campaign period sa susunod na taon, Pebrero para sa mga senatorial candidates at Marso naman para sa mga lokal na kandidato.
“Medyo matagal pa pero ang kalaban diyan ay ‘yung impresyon na kapag nakitang ginagamit nila ang kanilang advantages (TV, radio programs, print media) baka maakusahan silang walang delicadeza, mas maganda sanang maiwasan ‘yun. Wala pa namang regulation sa ngayon sa campaign period pa papasok ang pagbabawal sa kanila.”
Ipinabatid din ni Jimenez na sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasala nila ng mga party-list groups.
“Wala pa tayong official list ng mga accredited pary-list group, ‘yung magfa-file ngayon parang at their own risk ‘yan kasi baka hindi sila ma-accredit, medyo marami po ang party-list groups na ating sinasala.” Pahayag ni Jimenez
Umaasa naman si Jimenez na magiging maayos sa pangkalahatan ang proseso ng paghahain ng COC.
By Aiza Rendon with interview from Balitang Todong Lakas