Nanawagan ang Commission on Elections o Comelec sa mga kandidato na tiyaking hindi makakaabala sa publiko ang mga kanilang mga isasagawang motorcade o rekorida.
Kasabay na rin ito ng pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa mga lokal na kandidato sa 2019 midterm elections ngayong araw.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, pinapayagan sa batas ang pagsasagawa ng motorcade o pag-iikot ng mga kandidato gayundin ng pagpapatugtog ng kanilang mga jingle sa lansangan.
Gayunman paalala ni Jimenez, makabubuti kung hindi aniya makakabalahaw ang mga ito sa pang-araw araw na gawain ng taumbayan.
“Huwag nilang harangan ang mga maliliit na kalye, ‘yung tipo bang magre-rekorida tapos magpa-park sa gitna ng kalye kung saan napakaliit ng kalye at doon pa babara tapos ‘yung iba naman magsisimula ng rekorida alas-5:00 ng umaga eh napaka-inconsiderate lang ng ganun, sana lang bagaman wala tayong specific rules na nagbabawal diyan at ina-allow ‘yan ng batas eh sana sa pagsagawa nila ng mga ganyang rekorida ay mas maging considerate sila sa community.” Ani Jimenez
Pinayuhan din ni Jimenez ang mga organizers ng mga debate para sa lokal na kandidato na ipagbigay-alam muna ito sa Comelec para na rin sa malinaw na patakaran hinggil dito.
“Kung may mga local organizers na gustong mag-debate ang kandidato mas magandang ipagbigay-alam sa Comelec para mas malinaw ang mga patakaran kasi tandaan natin na ang access doon sa ganung mga plataporma ay kailangang patas sa lahat ng kandidato pero halimbawa may organisasyon kayo at kasama sa adbokasiya ninyo ang pagsuporta sa mga kandidato ay puwede niyo namang gawin na maggawa ng sarili niyong forum.” Dagdag ni Jimenez
LENTE on campaign period
Mas paiigtingin pa ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang kanilang pagbabantay laban sa mga kandidatong lumalabag sa panuntunan ng Comelec.
Ayon kay LENTE Executive Director Rona Caritos, tulad ng kanilang ginawang pagmo-monitor noong nagsimula ang kampanya para sa mga national candidates, kanila na ring babantayan ang mga lokak na kandidato.
Sinabi ni Caritos, karamihan sa nakikita nilang paglabag ng mga kandidato ang mga sobrang laking posters o campaign materials at mga maling lugar na pinaglagyan nito.
Aniya, tuloy-tuloy lamang kanilang gagawing pagpapadadala ng mga reklamo sa Comelec kaugnay ng mga nakikitang paglabag ng mga kandidato.
Gayundin, sinabi ni Caritos na patuloy din ang kanilang mga education activities sa publiko para sa darating na halalan.
“Kasi maganda nag ginawa ng Comelec eh naging proactive sila doon sa pagtatanggal ng mga over-sized, misplaced posters ng mga national candidates natin, so kami forward lang kami ng forward doon sa isumbong mo sa Comelec, sa gmail at sa mga social media accounts nila para po matanggal ang mga poster na in violation of the election code, ganun din po ang gagawin natin for our local candidates, pero ngayon po sana po kasama na natin ang taongbayan.” Pahayag ni Caritos
(Ratsada Balita Interview)