Muling nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kumandidato sa lokal at nasyonal na posisyon nitong nakalipas na eleksyon tungkol sa kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE).
Ayon kay Commissioner George Garcia, hanggang Hunyo a-8 na lamang ang pagpa-file ng SOCE at hindi na nila tatanggapin ang mga dokumentong magpapasa nang lagpas sa ibinigay na palugit.
Aniya, sakop ng pagpapasa ng SOCE ang mga kandidatong nag-withdraw, natalo at nanalo sa tinakbuhang posisyon.
Giit ni Garcia, hindi na nila papalawigin pa ang itinakdang deadline.
Ang sinuman aniyang bigo o hindi nagsumite ng SOCE ay mahaharap sa kaso at multa habang perpetual disqualification to hold public office ang parusa kung dalawang beses nang hindi nag-file ng SOCE.
Dagdag pa niya, maaaring matanggal sa tungkulin ang mga lumabag sa SOCE regulations kahit pa nanalo na ito sa eleksyon.
Nabatid na aabot sa 500 kandidato mula sa mga nagdaang eleksyon ang nahaharap sa posibleng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.