Nagbabala ang Commission on Elections sa mga kandidato para sa 2025 midterm elections na huwag gamitin sa pulitika ang ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, anumang pamamahagi ng suporta o tulong ay dapat pangasiwaan ng mga opisyal at kawani ng kinauukulang ahensya ng gobyerno nang walang bahid nang sinumang pulitiko.
Hindi rin aniya pinapayagan ang paglalagay ng campaign tarpaulins sa tanggapan ng implementing agencies sa loob ng 45-day election period.
Ipinagbabawal din ang distribusyon ng tulong sa ilalim ng Programang Assistance to Individuals in Crisis Situations ng DSWD, 10 araw bago ang eleksyon, maliban na lamang sa mga piling pagkakataon gaya ng pagbibigay ng pagkain, pamasahe, medical, educational, at burial assistances at iba pang kaparehong suporta.
Iginiit ng COMELEC na sinumang mapatutunayang lumabag sa direktibang ito ay maaring makulong o tuluyang ma-disqualify para sa 2025 midterm elections.