Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga sinehan na magpapalabas ng mga pelikulang hango sa buhay ng mga kandidato sa panahon ng kampanya ngayong darating na halalan.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, sa ilalim ng election rules, ipinagbabawal ang pagpapalabas ng mga pelikulang nagpapakita sa isang kandidato o tungkol sa buhay ng mga ito sa panahon ng kampanya.
Aniya, maaaring maharap sa electoral offense ang mga sinehang lalabag sa nasabing kautusan kung saan maaaring makulong ang mga mapatutunayang nagkasala ng hindi bababa sa isang taon pero hindi hihigit sa anim na taon.
Habang mahaharap naman sa diskuwalipikasyon sa paghawak anumang posisyon sa pamahalaan ang mga sangkot na kandidato.
Ang naging babala naman ni Jimenez ay kasunod ng posibilidad ng pagpapalabas ng pelikulang hango sa buhay ni dating PNP Chief Ronald Dela Rosa na pagbibidahan ng aktor na si Robin Padilla.
Batay sa kalendaryo ng Comelec, magsisimula ang campaign period sa mga kandidato sa pagkasenador sa February 12 at tatagal hanggang May 11.