Inilatag na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga panuntunan para sa huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (CoC) ngayong araw.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, kung mayroon pang maghahain ng CoC at maabutan ng deadline na 4:45 mamayang hapon ngayong Oktubre 8, ililista na lamang ng receiving office ang pangalan ng aspirants na nasa loob ng designated area at tanging may kumpletong CoC ang ilalagay.
Tatawagin din aniya ang mga pangalan ng mga nag-file base sa pagkakasunod-sunod sa listahan upang maghain at tatakan ng ‘received ’ang CoC.
Ilalabas naman simula Oktubre 29, ang tentative list ng mga kandidato sa official website ng COMELEC hanggang Nobyembre 8, para sa pag-ayos ng typographical error sa pangalan ng mga kandidato para sa official ballot.—sa panulat ni Drew Nacino