MULING nagpaalala ang Commission on Elections o Comelec sa mga awtoridad sa mga checkpoints na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng ‘body search’ sa mga motorista.
Batay sa resolusyon ng Comelec, magkakaroon ng ‘minimum’ na isang checkpoint kada bayan o siyudad na mag-uumpisa sa Enero 9, 2022 hanggang Hunyo 8, 2022 para sa mas epektibong pagpapatupad ng gun ban.
Hindi naman obligadong lumabas ng sasakyan ang driver at ‘visual search’ lamang ang maaaring gawin ng mga awtoridad.
Maliban dito, hindi rin maaaring pilitin ang motorista na buksan ang ‘glove compartment o car trunk’ at maging ang dala nitong bag habang magiging legal lamang ang paghahalughog kung may search warrant na dala ang mga alagad ng batas.