Nilinaw ng Commission on Elections na mga kandidato sa ilalim ng isang political party o mag-kapartido lamang ang maaaring magpa-substitute.
Gayunman, inihayag ni Comelec Spokesman James Jimenez na walang karapatan sa substitution kapag ang isang kandidato ay tumakbong independent.
Ayon kay Jimenez, hanggang Nobyembre a-kinse lamang ang filing ng certificate of candidacy para sa substitution at sa nasabing petsa rin ang deadline ng withdrawal.
Pagkatapos aniya nito ay posible pa rin ang substitution subalit may pagbabago sa patakaran mula sa voluntary withdrawals.
Bagaman puwede ang voluntary withdrawal, iginiit ng Comelec official na mayroon dapat statement of withdrawal ang isang kandidato.
Papayagan naman ang substitution matapos ang naturang petsa hanggang hatinggabi ng election day sa involuntary withdrawal o kung namatay o nadiskuwalipika ang isang kandidato. — Sa panulat ni Drew Nacino