Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang serye ng konsultasyon sa iba’t-ibang election system providers.
Ito ay upang makahanap ng maaaring magamit na alternatibong pamamaraan para sa overseas voting.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, bahagi ng mandato ng komisyon batay sa ilalim ng batas ang magsaliksik ng mga maaaring alternative mode ng botohan kabilang ang internet voting.
Sa pagsasagawa aniya ng konsultasyon, makikita ng Comelec ang mga available, posible at hindi uubrang sistema sa Pilipinas.
Sinabi ni Jimenez, unang naglatag ng kanilang mungkahi ang provider na Dominion voting systems noong Lunes habang nakatakda namang magpresenta ngayong araw ang Indra, bukas ang Smartmatic at Voatz sa Biyernes.