Sinimulan nang isauli ng Commission on Elections (COMELEC) ang mahigit sa 1,000 VCM’s o vote counting machines sa Smartmatic.
Bago isoli ay nagsagawa muna ng inspection ang komisyon sa kanilang bodega sa Sta. Rosa Laguna kung saan nakaimbak ang mga makina na ginamit noong eleksyon.
Ginawa ito ng COMELEC sa kabila ng manipestasyon ng mga abogado ni dating Senador Bongbong Marcos sa PET o Presidential Electoral Tribunal na hindi dapat isoli ng komisyon ang mga VCM’s dahil kailangan pa ito sa kanilang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Nanindigan naman ang COMELEC na hindi kasama ang mga isinoli nilang VCM’s sa mga kailangan sa election protest dahil mga standby machines lamang ito at hindi nagamit noong eleksyon.
Bongbong’s Camp
Kinuwestyon ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang pagsasauli ng Commmission on Elections (COMELEC) sa mahigit sa 1,000 VCM’s o vote counting machines sa Smartmatic.
Ayon kay Atty. Jose Amor Amorado, abogado ni Marcos, sa November 8 pa nakatakdang pag-usapan ng Presidential Electoral Tribunal ang kanilang urgent manifestation kayat dapat ay hindi pa ginalaw ng COMELEC ang mga makina.
Iginiit ni Amorado na ang PET ang dapat na magpasya kung sakop o hindi ng precautionary protective order o PPO ang mga isinoling VCM’s.
Sa ilalim ng PPO, inaatasan ng PET ang COMELEC na i-preserve ang lahat ng makina at iba pang paraphernalia na ginamit noong eleksyon para sa election protest ni Marcos.
Sa kanilang inihaing protesta, sinabi ng kampo ni Marcos na naglagay ng bagong hash code ang Smartmatic sa transparency server na naging dahilan ng biglang pagkawala ng mga boto ni Marcos at napunta kay Vice President Leni Robredo.
Si Marcos ay natalo ni Robredo noong eleksyon ng 260,000 votes lamang.
SD card
Samantala, natuklasang may laman ang SD card ng 100 sa mahigit 1,300 vote counting machines na hindi naman nagamit noong eleksyon.
Ayon kay dating MMDA Chairman Francis Tolentino, isa sa mga tumakbo subalit natalo sa senatorial elections, wala dapat laman ang SD cards dahil pawang reserba lamang ang mga ito at hindi nagamit noong eleksyon.
Nagtataka rin si Tolentino kung bakit itinuloy ng COMELEC ang planong ibalik ang mga VCM’s sa Smartmatic gayung mayroon nang direktiba ang Presidential Electoral Tribunal na i-preserve ang lahat ng makina at paraphernalia na ginamit noong eleksyon.
Nakatakdang maghain ng reklamo si Tolentino sa COMELEC upang alamin kung ano ang laman ng mga SD card.
Si Tolentino ay mayroong nakabinbing election protest laban kay Senador Leila de Lima.
By Len Aguirre