Nananawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa kongreso na ibalik ang tinapyas nilang pondo sa ilalim ng panukalang 2021 national budget.
Sa pagharap ni COMELEC Spokesperson James Jimenez sa deliberasyon ng House Appropriations Committee para sa proposed 2021 national budget, kanyang sinabi na kailangan ng komisyon ang pondo para makabili ng mga karagdagang Vote Counting Machine (VCM).
Ayon kay Jimenez, layun nitong malimitahan ang bilang ng mga tao sa loob ng presinto lalu na’t inaasahan nila ang muling pagtaas sa bilang ng botante.
Binigyang diin ni Jimenez, mahihirapang makontrol at hindi maiiwasan ang pagsisiksikan kapag maraming bontante sa isang makina na lubhang mapanganib sa katulad na sitwasyon ngayon ng pandemiya.
Maliban pa aniya sa pagtiyak na ligtas ang mga lugar ng botohan, ikinokonsidera din ng COMELEC ang iba pang mga paraan para maiwasan ang pisikal na pagboto ng publiko tulad ng voting by mail.
Lumabas sa pagtalakay ng kamara na inirerekomenda ang P14.5B na pondo ng COMELEC para sa 2021 na mababa sa naunang panukala na P30.6B