Nananawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga overseas voters na makibahagi sa kanilang isasagawang test run para sa internet voting.
Parikular na hinihikayat ng Comelec na mag-sign up ang mga nakarehistrong overseas voters na may aktibo at kumpletong registration record tulad ng biometric data.
Nangangahulugan itong hindi dapat deactivated ang status ng mga overseas voters dahil sa kabiguang makibahagi sa magkasunod na halalan noong 2016 at 2019.
Ayon sa Comelec, maaaring magsign up ang mga interesadong overseas voter sa pamamagitan ng form na naka-post sa Facebook page ng Office for Overseas Voting (OOV) hanggang alas-8 ng umaga sa Pebrero 12.
Kinakailangan namang i-email ang naturang form sa overseas voting sa overseasvoting@comelec.gov.ph kalakip ng kopya ng kanilang pasaporte o seafarer’s book.
Isa ang internet voting sa ikinukunsiderang paraan ng Comelec na gamitin para sa Mayo 2022 elections bilang pag-iingat naman sa COVID-19 pandemic.