Nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na walang nangyaring dayaan sa gitna ng botohan.
Ito ay matapos mapuna ng mga netizen ang komisyon hinggil sa naging partial and unofficial count of votes kung saan, nangunguna sa presidential race si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sinundan ni Vice President Leni Robredo.
Nabatid na naging mabilis ang transmission ng botohan dahilan para kuwestiyunin ang opisyal na bilangan ng boto.
Kumalat sa social media ang isang post kung saan, marami ang nagduda at nagsabing may nakaprogram o may nakatanim na daya sa mga Vote Counting Machine (VCMs).
Dahil dito, nagrally ang ilang mga estudyante at mga militanteng grupo sa COMELEC sa Maynila upang kuwestiyonin ang naturang isyu.
Ayon kay Commissioner Marlon Casquejo, hindi papasa sa mga pagsusuri ang mga automated election system kung may nakaprogram ng pandaraya.
Mahirap umanong patunayan na mayroong naganap na pandaraya sa botohan dahil ang lahat ng system ay dumaan sa certification ng kanilang ahensya.
Nilinaw ni Casquejo na sa kada limang minuto, nakabase ang unofficial count sa transmission ng mga presinto ng transparency server at hindi na kailangang hintayin pa ang mga resulta sa mga presinto para makapaglabas ng resulta sa mga boto.