Nilinaw ng COMELEC na hindi pa sila nakapag-dedesisyon sa hirit na karagdagang honoraria sa mga guro na nagsilbing electoral board sa halalan noong Lunes.
Ayon kay COMELEC Acting Spokesman, Atty. John Rex Laudiangco, wala pang resolusyon ang komisyon sa hirit na dagdag-sahod.
Ipinaliwanag ni Laudiangco na sakaling makapaglabas na ng pasya ang poll body para sa dagdag na honoraria ay hindi ito ang unang beses nilang gagawin dahil nangyari na rin naman ito noong 2019 Elections.
Maaari anyang ikunsidera ng COMELEC En Banc ang pagbibigay ng additional honoraria batay sa mga naunang resolusyon sa nakalipas na mga halalan.
Gayunman, sa ilalim ng panuntunan ng Department of Budget and Management, hindi pinapayagan ang pagbabayad ng overtime pay sa mga nagsisilbing electoral board.