Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na ‘on track’ sila sa kanilang preparasyon para sa eleksyon.
Ibinalita ni Director James Jimenez, Spokesman ng Comelec na posibleng mapaaga ang tapos ang pag-i-imprenta ng mga balota.
Hanggang nitong Marso 11 ay mahigit 45 porsyento na ng kailangang mga balota ang naimprenta o halos 29 milyon mula sa kinakailangang mahigit sa 63 milyong balota.
Kasado na rin aniya sa Abril 24 ang pagpapadala ng mga balota, accountable forms, iba pang supplies at automated election system o AES sa mga regional offices ng Comelec.
Samantala, nagpapatuloy naman ang training ng mga election boards (EB) sa iba’t ibang panig ng bansa na manunungkulan sa May 13 elections.
El Niño phenomenon
Pinaghahandaan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang epekto ng El Niño sa panahon ng eleksyon.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng Comelec, nakahanda sila sakaling maging manipis ang supply ng mga planta ng kuryente sa bansa sa panahon ng eleksyon.
Kabilang sa paghahanda ng komisyon ang diyalogo sa mga power producers upang mailatag ang kanilang contingency plan at hindi mabalam ang proseso ng halalan.
Sinabi ni Jimenez na naka-disenyo naman ang vote counting machines para sa mas matagalang gamit, maliban pa sa mayroon silang nakahandang generators sakaling magkaroon ng power interruption.
Kailangan lamang aniya na makakuha silang maagang impormasyon mula sa power producers upang mai-puwesto nila ang mga generators sa mga maapektuhang lugar.
—-