Pinatatanggal na ng Commission on Election o Comelec ang mga nagkalat na campaign materials ng mga kandidato bago ang ganap na pagsisimula ng kampanya para sa national level sa darating na Pebrero 12, araw ng Martes.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, dapat na sumunod sa kanilang direktiba ang mga pulitiko at kanilang mga taga-suporta para maiwasang mapatawan sila ng election offense na maaring maka-apekto sa kandidatura ngayong nalalapit na eleksyon.
Nagpadala na aniya sila ng sulat sa mga kandidato at mga political party para alisin ang kanilang mga campaign materials na nagkalat sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Pahayag ni Jimenez, hindi na sila umaasang sasagot ang mga tumatakbo sa 2019 election ngunit umaasa aniya sila na tatalima ang mga ito sa kanilang kautusan.
Ituturing aniyang iligal at paglabag sa batas ang mga campaign materials ng isang kandidato na makikita sa pagsisimula ng kampanya.