Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) na tanggalin na sa kanilang listahan ang 39 na mga party-list organizations para sa 2022 elections.
Ito ay matapos na mabigo ang mga nabanggit na party-list na makibahagi o makakuha ng sapat na boto sa nakalipas na dalawang magkasunod na halalan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang pagtatanggal sa mga nabanggit na party-list organizations ay alinsunod sa section 2, rule 3 ng resolution 9366.
May kaugnayan din ito sa Party-List System Act na naglalayong magkaroon ng pantay na representasyon sa halalan ng mga kinatawan sa House of Representatives.
Batay sa listahan ng Comelec kabilang sa mga partylists na nabigong makibahagi sa nakalipas na dalawang eleksyon ang Ading, 1-Aamover, Ang Pamilya, Ag, Alagad, Anad, Kakusa, Kalikasan Party-List At 1-Aani.
Habang nabigo namang makakuha ng hindi bababa sa dalawang porsyento ng boto para sa party-list sa dalawang magkasunod na halalan ang Ading, Ating Koop, Ave, Abakada, Banat, Abamin, Append, Ang Nars at Tao Muna.
Gayundin ang Ako An Bisaya, Anupa, Consla, ASEAN, AMEPA OFW, Fictap, Global, KMM, Metro, PM, Samako, Sinag, Ito Ang Tama, Tinderong Pinoy, Tricap, Unido, All-Fish, Awake, Kamais, Pbb At 1-Ahapo.