Pinatitiyak ng COMELEC sa mga botante na maipi-preserve o maayos na maitatabi ng mga Board of Election Inspector (BEI) ang kanilang mga balotang hindi tinanggap ng mga vote counting machines (VCM).
Ito ang inihayag mismo ni COMELEC Spokesperson James Jimenez matapos ireklamo ni dating Vice President Jojo Binay ang kanyang balota na hindi binasa ng VCM.
Ayon kay Jimenez, kanila kasing pag-aaralan ang mga pangyayari para makagawa ng solusyon hinggil dito.
Nilinaw rin ni Jimenez na hindi kabilang sa option o pagpipiliang gawin ng mga BEI ang magsagawa ng manual counting ng boto kung magkakaaberya man ang mga VCM.
Aniya, kinakailangang hintayin ang kapalit na makina at nasa pagpapasiya na ng BEI kung iipunin ang mga balota habang hinihintay ang bagong VCM.