Pansamantalang ititigil ng COMELEC o Commission on Elections ang registration ng mga botante at validation ng mga biometrics ng mga rehistrado nang botante.
Mangyayari ito mula October 12 hanggang 16 upang bigyang daan ang paghahain ng COC o Certificate of Candidacy ng mga kakandidato sa 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, sa ngayon ay nasa mahigit 3 milyong botante na lamang ang target nilang maparehistro at mapa-biometrics mula sa dating mahigit sa apat na milyon.
Sa susunod na linggo, nakatakda anyang ilunsad ng COMELEC ang kanilang huling hirit para mahikayat ang mga botante na magparehistro at magpa-validate ng kanilang biometrics na kailangan upang makaboto sa 2016 elections.
“As of August 30, we were down to 3.1 million pero sa aming palagay marami pa rin ‘yan eh, kaya we are developing na parang ‘last hurrah’ para mahikayat ang ating mga botante na magpa-biometrics o magparehistro bilang bagong botante.” Ani Bautista.
Preparasyon para sa Halalan 2016
Samantala, bubuo ng team of observers ang COMELEC o Commission on Elections upang i-monitor ang pag manufacture ng mga makina na gagamitin sa 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, mula sa China ay tuluyan na nilang ipinalipat sa Taiwan ang lugar kung saan gagawin ang mga PCOS machines ng Smartmatic.
Kasunod ito ng ulat na plano di umanong i-sabotahe ng China ang eleksyon sa 2016.
“Iimbitahin din natin ang media para makita nila kung saan yung mga makina ginagawa at paano ginagawa para mabawasan ang mga agam-agam tungkol sa mga makinang gagamitin sa ating halalan.” Paliwanag ni Bautista.
Aminado si Bautista na hanggang ngayon ay naghahabol pa rin sila sa mga dapat ihanda para sa eleksyon.
“Gahol na kami sa panahon ang masasabi ko lang eh kahit papaano naman ay nakakahabol, pero kumbaga nga sa basketball kung dati we were behind by 20 points siguro ngayon, behind na lang kami by 12 points kaya kailangan pang humabol.” Dagdag ni Bautista.
Gayunman, tiniyak ni Bautista na pasok pa rin naman sila sa timeline ng preparasyon sa eleksyon.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit