Ipinaalala muli ng Commission on Elections (COMELEC) na pinal na ang kanilang desisyon hinggil sa oras ng pagboto sa darating na Mayo 9.
Ayon sa COMELEC, magsisimula ang pagboto sa ganap na alas-6:00 ng umaga at magtatapos ng alas-5:00 ng hapon.
Mas maaga at mas mahaba ito ng isang oras kung ikukumpara sa dating voting hours na mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang hakbang na ito ng COMELEC ay kasunod ng utos ng Supreme Court na mag-isyu ng resibo kung saan inaasahan na kakain ito ng mas mahabang oras.
Dahil dito, pinaaga na rin ng COMELEC ang call time para sa mga maglilingkod sa eleksyon kung saan dapat andun na sila sa kanilang polling precinct bago mag-alas-5:00 ng madaling araw.
Bubuksan ang mga vote counting machines o VCM bago rin mag-alas-5:00 ng madaling araw sa harap ng mga watcher.
Kasabay nito, ang panawagan ng COMELEC sa mga botante na bumoto ng mas maaga upang hindi maipit sa dagsa ng mga botante.
Help desk
Maglalagay rin ng vote care center o help desk ang COMELEC sa Philippine International Convention Center o PICC.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng kanilang pinal ng desisyon na idaos ulit sa PICC ang national canvassing ng mga boto sa eleksyon.
Sinabi ng COMELEC na ang mga help desk na itatalaga nila roon ay makatutulong sa mga botante at sa iba pang indibidwal na may tanong tungkol sa canvassing o anumang may kinalaman sa halalan.
Maalalang kahapon sa ay napagdesisyunan na ibasura ang panukalang idaos sa Manila Hotel ang canvassing at sa halip ay ibalik ito sa PICC.
Bukod sa pagiging canvassing center, sinabi ng COMELEC na gagawin din nilang command center sa eleksyon ang nasabing lugar.
Mahigit sa P7 milyong piso ang sinasabing magagastos sa paggamit ng PICC.
By Allan Francisco (Patrol 25)