Dumistansya ang Commission on Elections o COMELEC sa naging akusasyon ni dating Senador Bongbong Marcos na nakipagsabwatan umano sila at ang Smartmatic sa kampo ni Vice President Leni Robredo noong 2016 Elections.
Sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na kukunin at pakikinggan muna nila ang lahat ng panig hinggil sa nasabing isyu.
Matatandaang kahapon, Enero 29, ipinakita ni Marcos ang ‘ballot images‘ na mula sa ilang bayan sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Negros Oriental na umano’y mga ebidensya na ginawang pandaraya sa kanya.
Giit ni Marcos, maglalabas pa siya ng ilan pang matitibay na ebidensya na makapagpapatunay na minanipula ni Robredo ang nakaraang halalan partikular na ang botohan sa pagka-pangalawang pangulo.
Matatandaang sinabi ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na nananatili ang kumpiyansa ng dating senador na siya ang tunay na nagwagi sa nagdaang vice presidential race noong 2016.
Ito aniya ang dahilan kaya’t walang rason upang sumabak muli sa pagka-senador ang kaniyang nakababatang kapatid tulad ng panawagan ng iilan.