Hinikayat ng Commission on Election (COMELEC) ang publiko na makiisa sa pagsusumbong ng mga ‘pasaway’ na kandidato na patuloy na magkakabit ng kanilang mga campaign materials sa mga hindi awtorisadong lugar.
Sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na simula alas-12:01 ng hatinggabi mamaya ay ipagbabawal na ang pagkakabit ng mga campaign materials sa mga puno, poste, pader at maging ang mga electronic ads sa billboards.
Tiniyak ni Jimenez na masusi nilang imomonitor ang mga campaign paraphernalias ng mga kandidato.
Kaugnay nito, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Sidewalk Clearing Operation Group Chief Rod Tuazon na sa unang araw ng implimentasyon ng “Oplan Baklas” ay aabot sa 100 tauhan ang ipapakalat sa iba’t ibang panig ng kalakhang Maynila.
Maging ang mga aktibong public officials ay binawalan ng komisyon na magpahayag ng kanilang ‘personal’ na opinyon, views, kritisismo at preferences patungkol sa sinumang kandidato, sa panayam man o sa kanilang social media accounts.
By Mariboy Ysibido