Iginiit ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na hindi na-hack ang kanilang servers na gagamitin sa May 9, 2022 national at local elections.
Taliwas ito sa naunang ulat na pinasok ng mga hacker ang Data System ng COMELEC at nagnakaw ng tinatayang 60 gigabyte files, kabilang ang usernames at pins ng vote-counting machines.
Ayon kay Guanzon, “fake news” lamang ang naturang ulat batay sa isinagawang Site Inspection ng National Bureau of Investigation sa COMELEC warehouse sa Sta. Rosa City, Laguna.
Kumbinsido rin si NBI Director Eric Distor na walang naganap na hacking makaraang silipin nila ang configuration at testing areas sa warehouse.
Binigyang-diin naman ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo na hindi naka-konekta sa internet o anumang network ang kanilang system kaya’t walang data na na-generate kaya’t wala ring pwedeng makuhang impormasyon.
Sa kabila nito, isa pang masusing imbestigasyon ang ikakasa ng NBI – Cybercrime Division – National Capital Region at kanilang Special Project Team.