Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na wala nang problema sa markers na gagamitin sa eleksyon.
Ayon kay Director James Jimenez, spokesman ng COMELEC, mahigit isang milyong bagong markers ang kanila nang naipadala at makukumpleto bago matapos ang linggong ito.
Isinalang muna anya sa testing ang mga bagong markers upang matiyak na hindi mauulit ang problemang nakita sa unang batch ng markers.
Sinabi ni Jimenez na medyo matagal matuyo ang tinta ng unang batch ng markers.
COMELEC, bukas pa rin na makipag-usap sa NAMFREL
Bukas pa rin ang Commission on Elections (COMELEC) na makipag-usap sa National Movement for Free Elections (NAMFREL).
Pahayag ito ni Director James Jimenez, spokesman ng COMELEC, matapos tanggihan ng NAMFREL ang accreditation para maging partner sa eleksyon.
Tiniyak ni Jimenez na makahahanap pa rin ang COMELEC ng bagong partners para sa random manual audit kahit kumalas ang NAMFREL.
Nariyan pa rin naman anya ang mga naging partners nila noong 2016 na handa pa ring tumulong sa COMELEC.
COMELEC, aminado na nasurpresa sa pagtanggi ng NAMFREL sa accreditation para maging citizens arm
Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na nasurpresa sila sa pagtanggi ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) sa accreditation para maging citizens arm ng komisyon.
Ayon kay COMELEC commissioner Louie Guia, tinanggihan ng NAMFREL ang accreditation matapos na hindi mapagbigyan ang kanilang kahilingan.
Sinabi ni Guia na hindi talaga nila kayang pagbigyan ang hinihinging access ng NAMFREL sa iba’t ibang logs na nasa COMELEC server dahil kahit ang komisyon ay walang access dito.
Tiniyak ni Guia na tuluy-tuloy ang sariling preparasyon ng COMELEC para sa eleksyon.