Umaasa ang COMELEC o Commission on Elections na hindi masasayang ang mahigit na 50 milyong balota na naimprenta na para sa nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections ngayong Oktubre.
Ito ay sa harap ng nakaambang pagpapaliban sa nasabing eleksyon.
Ayon kay COMELEC Spokesman Director James Jimenez, kanilang pag-aaralan kung maaari pa nilang magamit muli ang mga naimprenta nang balota kahit iba ang nakalagay na petsa dito.
“Meron tayong plano para gamitin ulit ang mga balotang yun bagamat mali yung petsa nila, sabi puwedeng gamitin yan but then again may mga nagsasabi rin na malinaw ang batas na dapat tama ang petsa, so yan ang isa sa mga dedesisyunan ng COMELEC sa mga darating na araw lalo kung ma-postponed ang halalan.” Ani Jimenez
Sinabi pa ni Jimenez na hindi rin nila matiyak kung kakailanganin pa nilang humingi ng supplemental budget oras na tuluyan nang maipagpaliban ang barangay at SK election at maitakda na ang petsa kung kailan ito itutuloy.
“Yung budget na ibinigay sa amin noong 2015, yun pa rin ang gagamitin, hindi nauubos dahil hindi natutuloy ang halalan, hold over din yan, hindi ko masasabing kung kailangang humingi ng supplemental but unti-unti nating binabawasan eh so it will come to appoint nab aka mangailangan tayo ng karagdagang pondo, sa ngayon di pa masasabi kasi baka magamit din natin ang balota, in that state everything will be fine.” Pahayag ni Jimenez
(Ratsada Balita Interview)