Inamin ng COMELEC o Commission on Elections na naghahabol na sila ng panahon para sa paghahanda sa 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, nasa proseso pa lamang sila ng bidding para sa refurbishment at upgrade ng 82,000 PCOS machines na ginamit sa nagdaang dalawang eleksyon sa bansa at bidding para sa binibili nilang karagdagang mga makina na gagamitin sa 2016 elections.
Sa July aniya ay kailangan na nilang mag-desisyon kung anong sistema ang dapat nilang gamitin sa 2016 Presidential Elections nang hindi lumalabag sa batas.
Dahil dito, sinabi ni Bautista na ikinukunsidera na nila ang panukala ng grupo ni dating COMELEC Commissioner Gus Lagman na isagawa ang hybrid elections na gagamit ng mano-manong bilangan pero automated ang transmission at canvassing.
“Kaya ang hamon po namin sa grupo nila ay magkaroon ng actual demonstration ng kanilang panukala, ginagawa natin ito kasi kailangan na nating pumili, malapit na ang deadline, sabi ko nga para po itong exam na finished o not finished pass your paper tayo by July, meaning dapat na nating piliin kung ano ang proseso o sistema na gagamitin para sa halalan sa 2016.” Ani Bautista.
Paalala sa mga botante
Hinikayat ng Commission on Elections ang mga botante na tignan ang moralidad ng isang kandidato bago nila ito iboto.
Tinukoy ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang mga tinaguriang epal na ngayon pa lamang ay marami nang political ads.
Ayon kay Bautista, letra ng batas ay hindi itinuturing na pangangampanya ang political ads kung hindi pa nakapaghain ng certificate of candidacy ang isang kandidato.
Subalit ang isyu aniya ng epal sa ngayon ay hindi na usapang legal kundi usapang moral.
“Ang panawagan ko po sa ating mga botante ay suriin nila, yung mga gumagamit ng pera ng kabang bayan para sa sariling kapakanan, and also those who kumbaga circumvent the law, kahit sa letra ng batas ay hindi ito ipinagbabawal pero pag tinignan naman natin ang espiritu ng batas ay parang mali, magandang batayan din yan para pumili kung sino ang dapat mamuno sa atin.” Pahayag ni Bautista.
Voter’s ID
Inamin ng Commission on Elections na marami pang voters ID ang hindi pa rin naide-deliver ng komisyon.
Gayunman, sinabi ni Bautista na halos limang milyon rin ang mga ID’s na nasa COMELEC office at hindi kinukuha ng mga botante.
Sa kabila nito, sinabi ni Bautista na hindi naman kailangan sa pagboto ang ID, ang mas mahalaga ay makunan ng biometrics ang bawat botante na nag-rehistro hanggang noong 2004.
Iginiit ni Bautista na hindi makakaboto sa 2016 elections ang mga botante na walang biometrics kahit pa rehistrado ang mga ito.
“Hindi kailangan ng ID para bumoto, kailangan ang biometrics, kaya mahalaga po na ang ating mga botante ay magrehistro ng kanilang biometrics.” Dagdag ni Bautista.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit