Itinanggi ng Commission on Elections (COMELEC) na idineklara na nilang opisyal na kandidato sa pagka-Pangulo ang 5 sa 130 naghain ng kanilang certificate of candidacy.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, bahagi ng due process na mabigyan ng pagkakataon ang bawat kandidato na maipakita sa komisyon ang kanilang kakayahan at credentials para tumakbo sa pagka-pangulo.
“Noong October 21, yung aming law department, nagpalabas po siya ng mga liham sa mga iba’t ibang kandidato para sa pangulo, pangalawang pangulo at para sa senador kumbaga gusto nilang ipatawag ang mga kandidatong ito para ipakita ang kanilang kakayahan na tumakbo sa kanilang gustong posisyon para sa ating halalan sa 2016.” Ani Bautista.
Hanggang December 10 aniya ay nasa proseso ang COMELEC ng pagsala sa mga idedeklarang opisyal na kandidato at pagtanggap ng substitution of candidates bilang bahagi ng paghahanda sa mga pangalang ipalalagay sa balota.
Nilinaw rin ni Bautista na wala silang quota kung ilang kandidato ang idedeklara nilang official candidates at mapapasama ang pangalan sa balota.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay COMELEC Chairman Andy Bautista
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit